Peter Lim ikinatuwa ang pagkakaabswelto sa kasong drug trafficking

 

CDN file photo

Masaya ngayon ang negosyanteng si Peter Lim matapos ibasura ang kasong drug trafficking na nakasampa laban sa kanya.

Sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita na si Jun Fuentes ay nagpasalamat si Lim sa Department of Justice (DOJ).

Ani Fuentes, nauna nang sinabi ni DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi si Peter ‘Jaguar’ Lim ang sinasabing top drug lord sa Pilipinas, kundi ang napatay noong June 17, 2016 na drug lord na si Jeffrey ‘Jaguar’ Diaz.

Umamin si Aguirre na nagkaroon ng pagkakamali sa July drug matrix na naunang inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon pa kay Fuentes, ang kasong isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group – Major Crimes Investigation Unit (CIDG-MCIU) laban kay Lim ay nakabase lamang sa testimonya ni Marcelo Adorco na sinasabing tauhan ni Kerwin Espinosa Jr.

Aniya pa, napatunayan naman ni Lim na ang sinasabi ni Adorco na pakikipagkita ni Lim sa kanya at Espinosa noong June 4, 2015 ay hindi totoo dahil nasa Cebu Doctors’ Hospital siya noong mga panahong iyon dahil sa kidney problem.

Read more...