Pagkakaabswelto kina Lim, Espinosa naghahatid ng nakalilitong mensahe sa taumbayan-Ejercito

 

Nakalilito ang mensaheng nais na iparating ng biglaang pagkakaabswelto sa mga kasong may kinalaman sa droga ng mga itinuturong mastermind sa operasyon ng illegal drugs na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim.

Ito ang pananaw ni Senador JV Ejercito matapos na i-dismiss ng Department of Justice ang mga kaso nina Espinosa at Lim.

Ayon kay Ejercito, malinaw naman sa mga isinagawang mga pagdinig sa Senado noon na mismong si Espinosa ang umamin na sangkot ito sa pagpapakalat ng droga sa simula pa noong 2005.

Bilang katunayan, binanggit pa ni Kerwin sa mga isinagawang Senate inquiry na umaabot sa 40 hanggang 50 milyon ang kanyang kinikita sa pagbebenta ng shabu taun-taon.

Maging ang pagbibigay ng malaking halaga ng pera sa ilang mga opisyal ng gobyerno at mga alagad ng batas ay inamin rin noon aniya ni Kerwin.

Sa kabila ng mga pahayag at pag-amin ng nakababatang Espinosa, nadismiss pa rin ang kaso nito sa DOJ.

Giit ng senador, dapat ipakita ng gobyerno na seryoso ito sa paghabol sa mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga at hindi lamang mga maliliit na drug peddlers ang kaya nitong hulihin.

Read more...