2 Abu members nahuli ng NBI, PNP at AFP sa Zamboanga City

Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang dalawang miyembro ng terrorist group na Abu Sayyaf sa magkahiwalay na operasyon sa Zamboanga City.

Ipinrisinta ang mga ito sa isang press conference sa NBI Headquarters kasama sina NBI Director Dante Gierran, Justice Sec. Vitaliano Aguirre at PNP Chief Ronald Dela Rosa.

Kinilala ni Gierran ang mga nadakip na sina Hood Abdulah, alyas “Jiking” at Jimmy Blah  na kilala rin sa mga alyas na “Binladen” at “Assan”.

Ang mga ito wanted at nahaharap sa kasong kidnapping with serious illegal detention kaugnay ng Jehova’s witness kidnapping incident noong August taong 2002 sa Lantawan, Basilan kung saan ay dinala nila ang kanilang mga bihag sa bayan ng Patikul sa Sulu.

Si alyas Jiking ay nabatid na nagtatrabaho bilang security guard sa isang lokal na motel sa Zamboanga City kung saan ito nagsisilbing sleeper agent ng ASG para sa kanilang kidnap for ransom activities.

Si alyas Binladen naman ay nagpapakilalang isang mangingisda pero aktibo paring sumusuporta sa teroristang grupo.

Si alyas Jiking ay nahuli sa Barangay Sta. Maria, Zamboanga City noong February 27 habang si alyas Binladen ay nadakip kinabukasan sa Barangay Catalina sa nasabi ring lungsod.

Ang dalawa ay nasa kustodiya ngayon ng NBI Headquarters sa Maynila.

Read more...