Magpakatino at magsilbing magandang halimbawa.
Ito ang payo ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald Dela Rosa sa mga ga-graduate ng PNPA Maragtas Class of 2018.
Ayon kay Dela Rosa, dapat isabuhay ng mga bagong graduate ang motto ng PNPA na “Justice, Integrity at Service”.
Aniya, dapat maging tagapagpatupad ng batas ang mga ito at huwag magpasilaw sa pera.
Nasa 106 ang magtatapos sa PNPA Maragtas Class of 2018 na pinangungunahan ni Valedictorian Cadet First Class Fritz John Vallador. Nakatakda naman ang kanilang graduation sa March 21.
Samantala, pinayuhan naman ni Dela Rosa ang mga bagong promote na opisyal ng PNP na magpa-assign sa field.
Sa harap ng 670 na bagong promote na pulis sa oathtaking at donning of ranks ceremony sa Camp Crame, sinabi niya na kailangan niya ng mga pulis sa mga lansangan na lumalaban sa kriminalidad at hindi nagpapalamig lang sa opisina sa National Headquarters.
Sa kabuuan ay 9,853 na pulis sa buong bansa ang mga napromote na pulis mula sa mahigit 67,000 na nag-apply.