Hanggang ngayong araw na lamang ang pagkakataon ng China para sagutin ang inihaing arbitrary case ng Pilipinas hinggil sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Prof. Rommel Banlaoi, Chairman of the Board at Executive Director of the Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research (PIPVTR) sinabi nitong dapat ay makapagsumite na ng tugon ang China sa United Nations Arbitral Tribunal sa protestang inihain ng Pilipinas.
Sa nasabing protesta, hinihiling ng Pilipinas na linawin ang mga usapin kaugnay sa 9 dash line claim ng China.
Nais din ng Pilipinas na atasan ng Arbitral Tribunal ang China na abandonahin ang mga inangkin nitong teritoryo sakaling mapatunayang labag sa International Law ang kanilang ginawa.
“Ang inihain natin sa Korte, tinatanong natin, sang-ayon ba sa International Law ang 9 dash line claim ng China. Kung hindi naman sang-ayon ang China, dapat sabihan ng court ang China na i-abandona ang 9 dash line claim nila,” sinabi ni Banlaoi.
Naniniwala naman si Banlaoi na hindi magsusumite ng tugon ang China at patuloy lang nitong babalewalain ang utos ng arbitral tribunal. Ayon kay Banlaoi, ginawa na ito noon ng China na sa halip na magsumite ng kanilang counter memorial ay naglabas lamang ng position paper at iginiit ang kanilang karapatan sa pinag-aagawang bahagi sa West Philippine Sea.
Pero kahit na hindi magsumite ng tugon ang China, sinabi ni Banlaoi na itutuoy pa rin ang oral hearing base sa petisyon ng Pilipinas.
“So kahit na magsubmit o hindi ang China ay magkakaroon ng oral hearing ang arbitral trbunal next month. Inaasahan natin na by January 2016, ay mag-iisyu ang arbital tribunal ng desisyon,” dagdag pa ni Banlaoi.
Samantala, nangangamba si Banlaoi sa posibilidad na magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng US at China military na sa South China Sea.
Ayon kay Banlaoi, patuloy na gagampanan ng Estados Unidos ang responsibilidad nito sa South China Sea at isa sa mga misyon ng US military ay ang panatilihin ang “freedom of navigation” sa pinag-aagawang teritoryo.
Ani Banlaoi, hindi malayong magkaroon ng misencounter at misunderstanding sa ground sa pagitan ng US at China. Isa nga sa mga halimbawa ay ng itaboy ng mga nagpakilalang Chinese Navy ang US surveillance plane na pinalipad sa lugar./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.