2 tulak ng droga patay nang manlaban sa mga pulis sa Binondo

By Ricky Brozas March 11, 2018 - 05:09 PM

 

Patay ang dalawang drug suspect makaraang makipagbarilan umano sa mga pulis na kanilang naka-transaksiyon sa isang buy-bust operation madaling araw ng linggo sa San Miguel road, Binondo, Manila.

Kinilala lamang ang mga nasawi sa alyas na Darwin, 21 hanggang 25 anyos, 5’3 ang taas, kayumanggi ang kulay ng balat at alyas Oscar, 52 hanggang 55 anyos, 5’6 ang taas at kayumanggi.

Batay sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ni PO3 Carlito Borci at PO1 Albert Ignacio, nabatid na nagpanggap si PO1 Allan Hilario bilang poseur-buyer at personal na nakipag-transaksyon sa mga suspek.

Gayunman, habang isinasagawa ang operasyon ay natunugan ng isa sa mga suspek na si alyas Darwin na pulis ang kanyang ka-transaksiyon kayat agad siyang tumakbo at humingi ng saklolo sa kanyang kasamahang na si alyas Oscar na noon ay nakaantabay lamang at nagsilbing look-out sa bahagi ng San Miguel road, Binondo.

Bumunot ng hindi mabatid na kalibre si alyas Oscar, maging si Alyas Darwin ay kumasa rin at pinaputukan ang mga arresting officer dahilan para gumanti ng putok ang mga otoridad.

Tinamaan ang dalawa sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan at isunugod pa ng mga pulis sa Gat Andres Memorial Hospital subalit ideneklara ring dead-on-arrival ng mga doctor.

Sa ospital ay narekober ng mga pulis sa bulsa ni Alyas Darwin ang dalawang plastic sachet ng shabu, 2 piraso ng 500 peso bill na nagsilbing buy-bust money.

Kasalukuyan nang dinokumento ng mga pulis ang kaso para sa tamang disposisyon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.