Sa talumpati ng pangulo sa Andrews Air Base sa Zamboanga City kahapon ay sinabi nito na nakasaad sa batas na karapatan nila na hindi sagutin ang mga katanungan at sa pamamagitan nito ay hindi makakapagbigay ng mga magkakasalungat na pahayag ang mga miyembro ng pwersa ng pamahalaan.
Ang pahayag ng pangulo ay kasunod ng anunsyo ni International Criminal Court (ICC) prosecutor Fatou Bensouda noong nakaraang buwan na magsasagawa siya ng preliminary investigation tungkol sa mga aksusayong mayroong ginawang crimes against humanity ang pangulo, kaugnay ng madugong giyera kontra droga.
Kasunod rin ito ng sinabi ng palasyo ng Malakanyang na welcome ang United Nations na magsagawa ng umbestigasyon tungkol sa mga sinasabing human rights violation kaugnay pa rin ng anti-drug campaign ng pamahalaan, basta’t hindi ito pangungunahan ni UN special rapporteur on extrajudicial killings, Agnes Callamard.
Kapwa sinabi ni Duterte at kanyang tagapagsalita na si Harry Roque na biased ang mga opinyon ni Callamard tungkol sa drug war.
Ayon pa sa pangulo, maaari siyang ituro bilang commander-in-chief ng mga pulis at sundalo na siyang nagbigay ng pahintulot na huwag silang magsalita.
Dagdag pa ng punong ehekutibo, buong-buo niyang inaako ang kanyang antidrug campaign.
Aniya, piniprotektahan lamang niya ang mga Pilipino mula sa mga drug suspects na napapatay lamang dahil sila ay nanlalaban sa mga otoridad.