MIAA naghahanda na sa dagsa ng pasahero sa Semana Santa
Naghahanda na ang Manila International Airport Authority (MIAA) upang maserbisyuhan ang libu-libong pasaherong inaasahang dadagsa papasok at palabas ng Maynila para sa paggunita sa Semana Santa.
Ayon kay MIAA General Manager Eddie Monreal, puspusan ang kanilang paghahanda upang masiguro na magiging ‘hassle-free’ ang biyahe ng mga pasahero ngayong holy week.
Ani Monreal, magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at isang contingency plan ang bubuoin upang tulungan ang immigration officers sa pila sa kanilang hanay.
Nakipag-ugnayan na rin anya ang MIAA sa mga airlines, sa Bureau of Customs, sa Police-Aviation Security Group at iba pang private security agencies upang masigurong handa ang mga personnel nito na serbisyuhan ang mga pasahero.
Pinapaasikaso sa mga airline companies ang mabilis na pagproseso sa mga check-in counters habang ang Airport Police at PNP-Avsegroup naman ay inatasang tiyakin ang seguridad sa paliparan at pinagdedeploy din ng K9 units.
Mayroon ding inilagay na bagong air-conditioners sa NAIA Terminal 3 kung saan inaasahan ang malaking bilang ng domestic and international passengers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.