Pulis kabilang sa naaresto sa gitna ng pot session sa Palawan

By Justinne Punsalang March 11, 2018 - 04:37 AM

Arestado ang tatlo katao, kabilang ang isang aktibong pulis matapos maaktuhan na gumagamit ng iligal na droga sa Barangay Mandaragat, sa Puerto Princesa City sa lalawigan ng Palawan.

Kinilala ang naarestong pulis na si PO1 Joy Celedonio, habang ang kanyang mga kasama naman ay sina Jaymar Sto. Niño at Shaolin Magallanes.

Sa isang pahayag, sinabi ni Puerto Princesa City Police Director, Senior Superintendent Ronnie Francis Carriaga, pinasok ng kanilang mga operatiba ang apartment ni Celedonio matapos makatanggap ng impormasyon na mayroong nagaganap na transaksyon ng droga.

Sa loob ng apartment ay doon naaktuhan na gumagamit ng shabu ang mga suspek.

Narekober mula sa mga suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Kabilang ang nasabing pulis sa 38 mga operatiba na sumailalim sa surprise drug test noong nakaraang linggo, ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa lumalabas ang resulta nito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.