Posibleng sa katapusan na ng Marso ideklara ng PAGASA ang summer season o tag-init.
Matapos bumalik ang hanging Amihan o northeast monsoon ay inaasahan ng weather bureau na muling mawawala ito sa mga susunod na araw.
Ayon sa PAGASA, pagsapit ng March 13 ay maaaring mawala muli ang amihan at kanilang oobserbahan kung ilang araw muling magiging mainit ang panahon.
Kung sakaling makapasok sa criteria ng ahensya ang lagay ng panahon ay posible nang ideklara ang summer season sa katapusan ng buwan.
Ang pag-iral ng easterlies at high pressure area at kawalan ng north east monsoon ay ang mga indikasyon para ideklara ng PAGASA ang summer season.
Sa kasalukuyan ay muling umiiral ang amihan na nagdudulot ng hindi gaanong mainit na panahon sa ilang bahagi ng bansa.