Bumuwelta ang Palasyo ng Malakanyang sa hepe ng United Nations High Commissioner on Human Rights na si Zeid Ra’ad Al-Hussein sa banat nito na kailangan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumailalim sa psychiatric test.
Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na ang pahayag ni Zeid ay hindi lamang insulto sa lahat ng Pilipino kundi sa lahat ng bansa na ang mga opisyal ay hinalalal sa demokratikong paraan.
Ang nasabing pananalita aniya laban sa isang miyembro ng UN ay hindi nararapat at isang paghamak sa soberenya ng Pilipinas.
Banat pa ni Roque, ang pahayag ni zeid ay nagmumula sa pagiging prinsipe nito ng Jordan kung saan hindi hinahalal ang mga lider.
Dagdag ni Roque, binigyan ng mga botante ng Pilipinas ng mandato si Pangulong Duterte sa demokratikong pamamaraan at ito ay dapat na irespeto ng high commissioner.