Binalaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang publiko laban sa pagboto sa mga barangay official na sangkot sa droga.
Ginawa ito ni PDEA Director General Aaron N. Aquino, sa harap ng nalalapit na Barangay at Sanguniang Kabataan elections sa darating na May 14, 2018.
Ayon kay Aquino, posible kasing magamit sa eleksyon ang drug money dahil sa impluwensya ng mga sindikato ng droga.
Paliwanag ni Aquino, sinusuportahan lamang ng mga drug syndicate ang mga lokal na kandidato kapalit ng pagbibigay sa kanila ng proteksyon oras na ito ay mahalal.
Base sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte, mayroong 289 na barangay kabilang dito ang 143 na barangay chairmen at 146 na barangay kagawad na sangkot sa ilegal na droga.
Kaugnay nito, hinikayat ng PDEA ang mga opisyal ng barangay na pakilusin ang kanilang mga Barangay Anti-Drug Abuse Councils (BADACs) at tumulong sa kampanya laban sa droga ng pamahalaan.