WALANG PULITIKONG HINDI CORRUPT! – Wag kang Pikon!

Inquirer file photo

Panahon ngayon ng halalan, at sa susunod na pitong buwan, bubuhos ang pera ng mga pulitiko sa mga botante.

Sa kampanya, ipagmamalaki na naman nila ang malinis na pangalan, ang masidhing pagnanais makatulong sa bayan at tunay daw na paglilingkod bayan.

Pero sa likod ng mga galaw na ito ay ang kabilang mukha ng mga kumakandidatong pulitiko.

Nariyan ang mga nakaabang na mga paboritong kontratista sa infra projects (gusali o kalye), contractor sa basura, mga supplier sa gamot, at libro ng city hall o munispiyo, gayundin naman ang services contractor para sa janitorial, security , pati canteen o pagkain.

Bawat isa riyan, ay kinukunan ni Mayor ng mula 15 hanggang 25% na ang iba ay “advance” pa ang bayad.

Kaya nga sa lengguahe ng mga kontratista, iba-iba ang kalibre ng mga mayor, kongresista at kahit senador.

Dito sa Metro Manila, merong isang mayor na hanggang 30% ang hinihinging komisyon sa mga trabahong bayan, advance pa.

Meron namang mayor na disente ang dating sa publiko, pero ang asawa naman ang kaliwat kanan ang kausap ng mga kontratista at 25 % ang hinihingi. Meron ding mayor na pati “billboards” sa kanilang lugar ay pinatulan.

Isang “dummy” ang ginamit para mamahala sa lahat ng mga billboard companies na ang isa ay nagbabayad ng P500k na gusto pang taasan sa P1.6M bawat buwan.

Meron ding mga Mayor sa Metro Manila na panay ang papogi sa media, pero ang mga asawa at bayaw naman ang umiikot sa mga kontratista, supplier at iba pa.

Kung tutuusin, ang mga pinakadisenteng pulitikong nakita ko sa Metro Manila ay iyong humihingi lamang ng pinakamaliit na “10% commission”.

Pero, tila nawala nang lahat yun. Mukhang ang kalakaran talaga ay 20% pataas ,idagdag mo pa sa partihan, ang City Treasurer, Secretary to the Mayor, City Budget Officer, City Auditor at iba pa na sa kabuuan ay 5% ang tapyas.

Kayat kung matakaw ang Mayor at 30% ang hingin, plus 5 % ng kanyang “staff” , aba’y 35 % ang bawas kaagad sa proyekto.

Idagdag mo ang 40% na tutubuin ng kontratista, aba’y wala na hong matitira sa proyekto kundi ampaw at sarsa.

Idagdag mo pa riyan iyong mga aregluhan sa lokal na “buwis” sa mga negosyante, kasama na ang mga “kashunduan” sa mga malalaking “commercial properties” ng lungsod o bayan.

Hindi bat may isang Mayor sa Metro Manila na sa halip magtayo ng moderning city hall ay nagtayo ng isang napakalaking “mall” na “joint project”?

Meron ding Mayor na lahat ng palengke ay “na-privatize”.

Sa koleksyon ng basura lang, bawi na agad si Mayor.

Halimbawa, P1.5B ang pondo sa basura kada taon.

Kung 20% si Mayor , P300M iyun bawat taon o P600-M pagbaba niya sa pwesto.

Kayat maski gumastos siya ng P300-M sa Mayo 2016, tubong lugaw pa rin siya.

Ganyan din ang nangyayari sa mga kongresista at mga senador na ngayo’y nabulgar na sa PDAF at DAP scam.

Pero iyong turu-turo project ng mga mambabatas sa DPWH ( 25% sa aspalto-hukay estero-gusali) ay tuloy pa rin.

Ganoon din ang nangyayari sa “ 30% na gamot” sa DOH at sa mga 30% “food projects” sa Department of Agriculture.

Kaya nga, sinasabi ko sa inyo, walang pulitikong hindi “corrupt” sa panahong ito. Ang pinag-uusapan na lang ay kung gaano katakaw ang naturang pulitiko kasama na mga miyembro ng kanyang pamilya na gumagalaw naman pailalim sa mga dilihensya. (end)

Read more...