Pag-abswelto ng DOJ sa iba pang miyembro ng Aegis Juris, ikinadismaya ni Lacson
Dismayado si Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa pagbasura ng Department of Justice (DOJ) sa kaso laban sa ilang mga miyembro ng Aegis Juris fraternity kaugnay ng hazing at pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III.
Ayon kasi kay Lacson, posibleng may na-overlook na mga ebidensya ng hinihinalang cover-up ang DOJ sa kaso.
Base aniya sa mga ebidensyang nakalap at iprinisinta sa pagdinig ng Senado sa Atio hazing case, maaring hindi napansin o binalewala ng DOJ ang anggulo ng cover-up ng ilang mga miyembro ng fraternity.
Kabilang aniya dito ang mga authenticated contents ng group chat na kinabibilangan ng mga miyembro at officers ng fraternity, pati na ang mga video footages at iba pang dokumento.
Giit ni Lacson, sapat na ito para makitaan ng DOJ ng probable cause para kasuhan ang iba pang mga miyembro para sa pagiging accessory ng mga ito sa krimen.
Kamakailan kasi ay ibinasura ng investigating panel ng DOJ ang mga kaso laban sa miyembro ng fraternity na sina Jason Adolfo Robinos, Aeron Salientes, Ranie Rafael Santioago, Zimon Pedro, Alex Bose, Leo Laluis, Lennert Bryan Galicia, Nathan Anarna, Chuck Siazar at Karl Matthew Villanueva dahil sa kakulangan ng probable cause.
Samantala, nakasuhan naman ng paglabag sa Anti-Hazing Law sina Arvin Balag, Ralph Trangia, Oliver John Audrey Onofre, Mhin Wei Chan, Axel Munrio Hipe, Danielle Hans Matthew Rodrigo, Joshua Joriel Macabali, Marcelino Bagtang, Jose Miguel Salamat at Robin Ramos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.