Amnesty Int’l, naalarma sa sitwasyon ng human rights sa Central Visayas

By Kabie Aenlle March 10, 2018 - 12:53 AM

Nagpahayag ng pagkabahala ang grupong Amnesty International sa anila’y human rights crisis sa Central Visayas at maging sa buong bansa mula nang manungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Amnesty International-Philippines section director Jose Noel Olano, ngayon lang ulit naranasan ang ganitong problema sa human rights mula noong panahon ng martial law mula 1972 hanggang 1981.

Bagaman walang matibay na patunay para sabihing sanctioned ito ng pamahalaan, wala pa rin isinasagawang makabuluhang imbestigasyon kaugnay ng pagtaas ng bilang ng mga napapatay na drug suspects.

Tinawag pa nilang top violators ng human rights ang mga pulis sa Cebu at iba pang bahagi ng Central Visayas.

Giit ni Olano, tungkulin ng mga tagapagpatupad ng batas na igalang ang karapatan ng mga tao at protektahan ang lahat mula sa pang-aabuso.

Dapat aniyang managot ang mga ito sakaling mapatunayang sila mismo ay lumalabag dito o kaya ay hindi nila napoprotektahan mula sa human rights abuses ang mga tao.

Gayunman, mariin itong pinalagan ng ni Police Regional Office-Central Visayas (PRO-7) information officer Supt. Reyman Tolentino at tinawag itong hindi katanggap-tanggap.

Wala aniyang basehan ang pahayag na ito na pawang “perception” lamang ng Amnesty International.

Iginiit din ni Tolentino na inimbestigahan ang mga pagkamatay at wala namang ebidensyang magtuturo na sangkot ang mga pulis sa paglabag ng human rights.

Base sa talaan ng PRO-7, hindi bababa sa 188 na drug suspects ang napatay sa engkwentro sa mga pulis, habang 213 naman ang pinatay ng mga hindi pa nakikilalang suspek mula July 1, 2016.

Nasa 9,466 na drug suspects naman ang naaresto sa rehiyon habang 108,742 naman ang sumuko sa Oplan Tokhang.

Pero sa kabila nito ay iginiit ng Amnesty International na karamihan sa mga kaso ng pagkamatay ay nananatiling hindi pa rin nasosolusyunan.

 

TAGS: amnesty international, amnesty international

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.