4 na taong gulang, napatay ng kanyang 8 taong gulang na kapatid

By Isa Avendaño-Umali October 04, 2015 - 06:45 PM

 

Inquirer file photo

Patay ang isang apat na taong gulang na babae makaraang aksidenteng mabaril ng kanyang walong taong gulang na kapatid habang naglalaro sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City Sabado ng hapon.

Kinilala ng mga otoridad ang biktima na si Jazzmine Jade Boholano na nasawi dahil sa isang tama ng bala sa kanyang dibdib.

Sinabi ni PO2 George Caculba na batay sa inisyal na imbestigasyon, walang bantay na naglalaro ang magkapatid sa kanilang tahanan sa Pangkabuhayan Street, Barangay Bagbag, Novaliches.

Nakarinig umano ng isang putok ng baril ang stepfather ng magkapatid na si Rogelio Triño mula sa bahay pasado alas-2:30 ng hapon.

Agad na pinuntahan ni Triño ang bahay upang tignan ang mga bata at nakitang nakahandusay na si Jazzmine, na nakahawak sa kanyang dibdib, habang ang kapatid nito ay nakatayo sa gilid ng kuwarto at hawak-hawak ang sumpak.

Dinala ni Triño si Jazzmine sa Nova District Hospital at sa Quezon City General Hospital, pero makalipas ang tatlong oras ay binawian na ng buhay ang bata.

Hindi pa narerekober ng mga pulis ang sumpak na nakapatay sa bata.

Tikom naman ang bibig ng pamilya ng biktima kung nasaan na ang sumpak, sino ang tunay na nagmamay-ari nito at kung paano ito nakuha ng bata.

Wala namang isasampang kaso sa kapatid ni Jazzmine, subalit na-irefer na ang kaso sa Women’s Desk at Social Welfare Office.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.