3 katao na gumagamit sa pangalan ni SAP Bong Go at Gen. Bautista sa pangingikil arestado ng CIDG
Timbog ang tatlong miyembro ng sindikato na ginagamit ang pangalan ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go at Philippine Army Commanding General Rolando Joselito Bautista para makapangikil ng pera.
Nakilala ang mga suspek na si Henry Halaghay na lider ng “Halaghay Criminal Group” at mga kasamahan nito na sina Antonio Cerbito at Rogem Montesa.
Ayon kay CIDG-NCR Director, Sr. Supt. Wilson Asueta naaresto ang 3 sa Room D Nelson’s Apartment, Libongco 3, Brgy. Manggahan, Rodriguez, Rizal noong March 6, sa bisa ng warrant of arrest.
Modus daw ng mga ito tumawag sa mga taong may mga transaksyon sa pagtatayo ng Mega Rehabilitation Center sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija, at magpakilalang mula sa tanggapan ni SAP Bong Go o Phil. Army Commanding General Rolando Joselito Bautista.
P50,000 umano ang hinihingi ng sindikato sa kanilang biktima para mapabilis ang pag-proseso ng kanilang mga kontrata sa naturang proyekto na ipadadala sa bayad center, sa pangalan ng isang Lanie Sumoroy, na kasambahay ng lider ng sindikato.
Nakuha sa tatlo ang isang caliber 45 pistol, dalawang caliber 38 revolver, mga bala, assorted IDs, notebook na may listahan ng mga iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaan, at mga cellphone.
Mahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Sec 28 of RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Syndicated Estafa at Robbery Extortion.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.