UN magpapadala ng bagong team ng special rapporteurs; Callamard, hindi kasama
Ibinunyag ni Presidential Spokesman Harry Roque na magpapadala muli ng bagong team ng mga special rapporteurs ang United Nations (UN) para imbestigahan ang war on drugs ng pamahalaan.
Gayunman, nais tiyakin ni Roque na hindi kasama sa bagong bubuuing team ang kinaiinisan ng Palasyo na si UN Special Rapporteur Agnes Callamard.
Matatandaang una nang sinabi ni Roque na hindi nila basta-basta mapapatawad si Callamard sa bigla na lang nitong pagpunta sa bansa at pagbibitiw ng kaniyang sariling konklusyon na para bang nakapagsagawa na siya ng maayos na imbestigasyon.
Ayon kay Roque, napag-alaman niyang may ugnayan na sa pagitan nina UN Secretary General Antonio Guterres at Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano kaugnay nito.
Magrerekomenda sana si Roque ng bagong special rapporteur ng UN para mag-imbestiga sa Pilipinas, pero ipauubaya na niya ito kay Cayetano.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag isang araw matapos batikusin ni UN Human Rights Council Zeid bin Ra’ad al-Hussein ang bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis na huwag makipagtulungan sa posibleng imbestigasyon ng UN sa kampanya kontra iligal na droga.
Giit ni Hussein, tungkulin ng pamahalaan na ipatupad ang human rights at makipagtulungan sa mga itatalaga nilang tauhan.
Gayunman, nanindigan si Roque na bagaman batid ng gobyerno ang obligasyon nito alinsunod sa human rights law, kailangan ding igalang ng konseho ang soberenya ng Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.