Pahayag ito ni Roxas matapos sabihin ni Sen. Nancy Binay na pwede o parang nakinabang ito sa iregularidad sa 2016 elections kung kailan ilang kandidato sa pagka-pangulo ang umano’y nagtala ng zero votes sa ilang voting precincts.
Pero giit ni Roxas, hindi siya nandaya at hindi siya mandaraya.
Alam umano ng dating senador kung gaano kasakit ang madaya dahil mga dalawang milyong boto ang nawala sa kanya noong 2010 elections.
Matatandaan na naghain si Roxas ng electoral protest laban kay Vice President Jejomar Binay dahil nagkaroon umano ng mataas na insidente ng null at misread votes sa mga certificates of canvass sa lahat ng botohan sa bansa.
Pero noong 2016 ay ibinasura ng Presidential Electoral Tribunal ang poll protest ni Roxas dahil maituturing na itong moot nang umupo na si Vice President Leni Robredo bago magkaroon ng resolusyon.
Dagdag ni Roxas, hindi niya gagawin sa iba ang bagay na ayaw niyang gawin sa kanya kaya hindi responsableng magbitaw ng akusasyon na tila nakinabang siya sa umano’y dayaan.