Ipinagharap na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice ng kasong cyber libel si Maria Ressa at iba pang opisyal ng online news site na Rappler.
Patungkol ito sa reklamo ng negosyanteng si Wilfredo Keng kaugnay ng artikulo ng Rappler noong May 29, 2012 at nai-repost noong February 19, 2014 kung saan pinagbintangan nito ang complainant na tunay na may-ari ng itim na Chevrolet Suburban na ginagamit noon ni Dating Chief Justice Renato Corona.
Inakusahan din sa artikulo si Keng ng pagkakasangkot sa iba’t ibang mga krimen na mariin naman nitong itinanggi.
Sinabi ng NBI na maituturing na continuous crime ang ginawa ng Rappler dahil bagaman orihinal na nalathala ang artikulo noong 2012 at na-update noong 2014 ay patuloy pa rin itong nababasa sa website ng Rappler.
Ang continuous online publication umano ng artikulo ay maituturing na continuous crime maliban lamang kung ito ay tuluyang inalis na sa website ng Rappler.
Nabatid na nagsagawa pa ang NBI ng computer forensic examination sa website ng Rappler at napatunayan na hanggang ngayon ay patuloy pa rin itong nakalathala sa Rappler.
Kaugnay nito, hiniling ng NBI sa DOJ na magsagawa na ito ng preliminary investigation sa nasabing reklamo.
Una nang kinasuhan sa DOJ ang Rappler ngayong araw ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kasong tax evasion.