Bantang parusa sa mga flour millers

11355548_10205745151003171_885933980_n
Inquirer.net file photo

Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na mananagot ang mga flour millers at mga bakers kapag napatunayang nagsasabwatan ang mga ito sa hindi bumababang presyo ng harina at tinapay.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay DTI Undersecretary Vic Dimagiba, dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng trigo mula Enero hanggang Mayo dapat ay bumaba na ang presyo ng harina mula sa P900 kada sako hanggang P700 kada sako na lamang.

Kung bababa ang presyo ng harina, dapat ay bababa na rin ang presyo ng tinapay gaya Pinoy tasty at pandesal.

“Between January to May ang presyo ng trigo ay bumaba ng 30%, at napakalaki na dapat ng impact nito sa presyo ng harina, pero na-observe naming hindi gumagalaw ang presyo ng harina, kaya tuloy ang presyo ng tinapay, hindi rin bumababa,” sinabi ni Dimagiba.

Sinabi ni Dimagiba na hindi nagbabago ng presyo ang mga flour millers, dahilan para makapangatwiran naman ang mga bakers na huwag ding magbaba ng presyo ng tinapay.

Ito ang rason ayon kay Dimagiba kung kaya’t hiniling nila sa National Bureau of Investigation (NBI) na siyasatin ang posibilidad na pagsasabwatan sa presyo ng mga kumpanya.

Ayon kay Dimagiba, mayroong labing-anim na flour millers at labing-dalawang bakery ang kanilang pinaiimbestigahan sa NBI.

Hinihingi na rin ng DTI ang kopya ng mga “invoices” na inisyu ng mga bakery para magamit na ebidensya. Sinabi ng opisyal na may karapatan silang pwersahin ang mga ito sakaling tumangging ibigay ang dokumento sa DTI.

“Lagi kasing nagtuturuan ang millers at bakers, ngayon lahat sila kasama na sa imbestigasyon, tutal turuan sila ng turuan,” dagdag pa ni Dimagiba./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...