Hindi mapapatawad ng Pilipinas si United Nations special rapporteur Agnes Callamard dahil sa naging pahayag nito na nauwi na sa extra judicial killings ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra sa illegal na droga.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, matatagalan pa bago maghilom ang mga sugat dahil sa mga ginawang pambabatikos ni Calllamard sa administrasyon.
Dismayado rin aniya ang gobyerno dahil pumasok si Callamard sa pilipinas nang hindi naman imbitado ng estado.
“Ang hindi po mapatawad natin eh si Callamard, pumasok ng Pilipinas uninvited and made her conclusions na para bagang nag-imbestiga na siya,” pahayag ni Roque
Magugunitang buwan ng Mayo noong nakalipas na taon nang magtungo sa Pilipinas si Callamard para dumalo sa 30th anniversary ng Commission on Human Rights.
Sinabi ni Roque na noong mga panahong iyun ay nasa proseso na sana ng negosasyon ang Pilipinas at ang United Nations para sa gagawing imbestigasyon ni Callamard.
Ayon pa kay Roque, nasira ang nasabing pagkakataon dahil gumawa na ng konklusyon si Callamard nang hindi pa man nasisimulan ang kanyang imbestigasyon sa anti drug war campaign ng Duterte administration.
“Siguro po matatagalan bago mahilom iyong mga sugat na nagresulta doon sa ginawa ni Callamard. Ang masakit po diyan kay Callamard pa ‘no, she came here unannounced at that time when we were in the process of negotiating her investigation”, dagdag pa ng opisyal.