Bangkay ng OFW sa viral photo na halos buto’t balat na naiuwi na sa bansa
Naiuwi na sa kanyang bahay ang mga labi ng Overseas Filipino Worker (OFW) sa Kuwait na nasawi sa sakit noong nakaraang buwan.
Nilinaw naman ng agency ni Jeanette Opido na iRekrut Manpower na hindi nila inabandona o pinabayaan ang nasabing OFW.
Ayon kay iRekrut Managing Director Roland Collado, patunay ang mga larawan ang una, ikalawa at ikatlong pagkakaospital ni Opido sa kanilang mga ulat na hindi siya nilubayan ng kanilang foreign recruitment agency.
Ipinahayag ni Collado na isinumite nila sa Philippine Overseas Employment Administration ang kabilang labingdalawang ulat kaugnay kay Opido.
Ayon sa iRekrut, batay sa Kuwait Ministry of Health, si Opido ay nasawi noong February 23 dahil sa “acute failure of blood circulation and stop of heart muscles and respiration, heavy weakness in heart muscles, lung infection, failure of respiration functions.”
Pinabulaanan naman ni Collado na sangkot ang kanilang ahensya sa pagtakas umano ni Opido sa ospital noong Setyembre.
Itinuro niya ang isang Glaiza Gamboa na miyembro ng isang non-government organization na sangkot sa insidente.
Sinabi ni Collado na paiimbestigahan ng Foreign Recruitment Agency (FRA) ang insidente katuwang ang mga otoridad sa Kuwait.
Ang Teflah Mohsen Duhaiman Al Dhafeeri Manpower Office ang FRA ng iRekrut sa Kuwait.
Nilinaw ni Collado na matapos tumakas sa kanyang employer noong April 2016, tumanggi si Opido na magpatulong sa Philippine Embassy, at sa halip, nagtrabaho umano nang ilegal bilang part-time na tagalinis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.