Nakabantay ang Philippine National Police (PNP) sa mga Highway Patrol Group (HPG) personnel na sangkot sa insidente ng pangongotong.
Ito’y makaraang matimbog dahil sa pangongotong ang hepe ng Iligan City Highway Patrol team at 3 iba pa ng PNP Counter Intelligence Task Force.
Ayon kay HPG Chief Supt. Arnel Escobal, nadidismaya sya sa ginawa ng mga naturang pulis na sa kabila ng pagkakaroon ng disenteng sahod ay nasangkot pa sa iligal na gawain.
Aniya, dati pa man ay nakakatanggap na sya ng reklamo sa mga pulis na pasaway sa Region 10.
Kaya naman bilang aksyon ay sinibak na sa pwesto ang hepe ng kanilang unit doon.
Bukod dito, magkakaroon din sila ng balasahan sa iba pa nilang tauhan.
Paliwanag pa ni Escobal, nakatutok din sila ngayon sa Region 9 at Region 12 na may pinakamaraming bilang din ng mga reklamo ng pangongotong ng mga HPG personnel.
Maghihipit din aniya sila sa pagsala ng mga HPG auxiliary na aagapay sa mga pulis sa pagmamando ng trapiko sa kalsada.
Kahapon, naaresto sa entrapment operation sina Police Senior Insp. Rolando Rigat, SPO2 Crisanto Bernardo, Mac Harvey Abad at Sidney Canete na parehong HPG auxillary.
Nabatid na tumanggap ang naturang mga opisyal ng P3,000 na lagay mula sa sasakyan na kanilang inisyuhan ng traffic violation
Sasampahan ang mga naarestong pulis ng kriminal at administratibong kaso.