Kidnap victim patay sa engkwentro ng mga sundalo at kidnappers sa Zamboange del Norte
Bigong masagip nang buhay ang isang kidnap victim sa Zamboanga del Norte dahil sa bakbakang namagitan sa mga sundalo at kanilang kidnappers nitong Miyerkules.
Kinilala ni Zamboanga del Norte Police Provincial Office chief Senior Supt. Raul Tacaca ang nasawing biktima na si Mario Rosales na kilala rin bilang Mario Ungok, 37 taong gulang.
Nangyari ang bakbakan sa pagitan ng mga tauhan ng 42nd Infantry Battalion at isang armadong grupo na may hawak na limang hostages kabilang na si Rosales, sa Barangay Panabutan sa bayan ng Sirawai.
Nabawi na lang ang katawan ni Rosales pagkatapos ng engkwentro, at positibo itong kinilala naman ng kaniyang amo.
Lahat ng mga bihag ay pawang mga residente ng Barangay San Vicente sa parehong bayan, at una nang iniulat na nawawala matapos silang hindi makauwi noong March 3.
Nakumpirmang hawak sila ng isang grupong pinamumunuan ng isang Jamilon Wahab at Bating Lumaguis na tumawag sa kakilala ng mga biktima para humingi ng P10 milyong ransom.
Kalaunan ay pumayag naman ang mga ito na ibaba na lang sa tig-P15,000 na libo ang ransom katumbas ng bawat bihag.
Hindi naman batid ng mga otoridad kung ano ang nangyari sa apat na iba pang bihag na nakilala namang sila Jojo Mantangan, 33-anyos; Roger Jongan, 37 anyos; Reymon Furesima, 14 taong gulang; at Jemar Maglangit, 29 taong gulang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.