2 miyembro ng MILF, kabilang sa arestado sa buy-bust ops ng PDEA sa Ermita, Maynila
Inihayag ng Philippine Drug Enforfcement Agency (PDEA) sa publiko ang pagkakaaresto nila sa apat katao kabilang na ang dalawang umamin na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na bunga ng kanilang operasyon sa Ermita, Maynila.
Ayon kay PDEA Director Gen. Aaron Aquino, maliban sa pagkakaaresto sa mga MILF members na sina Omex Omar Tuwan at Bong Masual Mondato, pati na ang dalawang iba pang suspek na sina Aladin Kulapo Ali at Kaharudin Kulapo Ali, nasabat din nila ang P2.5 milyong halaga ng shabu.
Ikinasa ng mga ahente ng PDEA Special Enforcement Service (PES) at PDEA Regional Office VI ang buy-bust operation na ginanap noong March 6.
Nakumpiska nila sa raid ang sampung malalaking selyadong plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P2.5 milyon.
Bukod dito, nakuha rin ng mga operatiba ang dalawang mobile phones, ilang dokumento at marked money.
Sa inisyal na assessment ng PDEA, sinabi ni Aquino na posibleng galing sa Cotabato, Maguindanao o sa Lanao ang mga shabu dahil nagkakaroon na ng kakulangan ng supply dito sa Metro Manila.
Ang naturang dalawang miyembro ng MILF aniya ang nagdadala ng mga shabu sa Maynila, na tinatanggap naman ni Kaharudin Kulapo Ali para sa distribusyon.
Ibinunyag pa ni Aquino na isang hindi pinangalanang pulitiko sa Mindanao ay sumusuporta pa sa transportasyon ng mga iligal na droga ng dalawang MILF members.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.