DOLE pinaghahandaan na ang posibleng epekto sa mga empleyado kapag ipinasara ang Boracay
Kasalukuyan nang nagpa-plano ang Department of Labor and Employment (DOLE) kung ano ang maibibigay nilang tulong sa mga empleyadong lubhang maaapektuhan oras na matuloy ang pagpapasara sa Boracay Island.
Ayon kay Labor Usec. Joel Maglunsod, naghahanap na sila ng maaring ibigay na alternatibong trabaho sa mga empleyado.
Iaalok aniya ng DOLE sa mga maaapektuhang empleyado ang kanilang emergency employment program o livelihood assistance.
Kabilang sa mga maari din aniyang gawin ng mga ito pansamantala ay ang pagtulong sa paglilinis sa Boracay bilang bahagi ng rehabilitasyon nito, na malamang na dahilan ng pagpapasara ng isla.
Tinatayang aabot sa 17,000 ang mga maapektuhan sakaling ipasara ang isla, pero tiniyak ni Maglunsod na mababayaran ng mandatong minimum wage ang mga ito sa kanilang magiging mga pansamantalang trabaho.
Ngayon inaasahang magkakaroon ng pagpupulong ang DOLE Western Visayas at Boracay Industry Tripartite Council para mas ma-plano ang pagpapasara sa isla.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.