National ID System, aarangkada na ngayong taon kahit hindi pa maisabatas – Esperon

Sisimulan na nang pamahalaan ang implementasyon ng National ID system mayroon man o wala pang batas para dito.

Ito ang ipinahayag ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. at sinabing may inilaan nang P2 bilyong piso ang gobyerno sa Philippine Statistic Authority (PSA) para sa proyektong ito ngayong taon.

Iginiit ni Esperon na ang national ID system ay hindi makalalabag sa ‘right to privacy’ ng mga mamamayan at hindi magagamit ng gobyerno laban sa mga kaaway ng estado.

Anya, dapat tingnan ang national ID bilang isang ‘economic at social tool’ na layong ipakita ang pagkakakilanlan ng bawat mamamayan sa Pilipinas at parang birth certificate ang magiging gamit nito.

Samantala, sa isang hiwalay na pulong balitaan sa Palawan, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sa susunod na cabinet meeting ay tatalakaying muli ang national ID system at magkakaroon na ng pinal desisyon ukol dito.

Pangungunahan ng PSA ang proyekto kasama ang Department of Information and Communications Technology at National Economic and Development Authority.

Read more...