Nagpadala na ng tatlong magkakahiwalay na team ang National Bureau of Investigation sa Hilaga at Silangan rehiyon ng Mindanao para sa imbestigasyon sa napabalitang Lumad killings.
Batay sa datos ng Mindanao Indigenous People’s Conference for Peace and Development, aabot na sa apatnadaang Lumad killings ang naitatala simula pa noong 1980 na pinaghihinalaang kagagawan ng New People’s Army o NPA at ilan pang armadong grupo sa Mindanao.
Kinumpirma ni NBI Director Virgilio Mendez na may hawak silang listahan ng mga serye ng pagpatay sa mga Lumad ngunit tinitiyak pa nila kung tunay o totoo ba ang naturang listahan.
Ayon kay Mendez, magsasagawa sila ng validation process at hihingi ng pahayag sa mga witness na magpapatunay sa mga nakalap nilang impormasyon mula sa National Commission on Indigenous People.
Ipinadala ng NBI ang tatlo nilang pangkat sa mga lugar ng Davao, Cagayan de Oro at CARAGA Region upang magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa pagpatay sa mga Lumad partikular na sa UCCP-Haran compound sa Davao at Talingod, Davao del Norte, Pangantucan, Bukidnon at Lianga sa Surigao del Sur.
Ayon pa kay Mendez, binigyan lamang ang NBI at National Prosecution Service ng animnapung araw para tapusin ang imbestigasyon at magpasa ng report kay Justice Secretary Leila de Lima.
Pangungunahan ni NBI Deputy for Regional Operations Edmundo Arugay ang NBI teams na ipinadala sa Mindanao.
Inaasahan na makakahanap ng mga informants ang NBI sa Mindanao na ilalagay sa Witness Protection Program kapalit ng kanilang testimonya.
Matatandaang sinalakay ng isang armadong grupo ang Lianga, Surigao del Sur noong September 1 na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong katao kabilang na ang executive director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development na si Emerito Samarca at dalawang Lumad leaders na sina Dionel Campos at Bello Sinzo.