Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga residente at business owners sa Boracay kaugnay sa binabalak nilang kilos-protesta para harangin ang pansamantalang pagsasara at rehabilitasyon ng nasabing isla.
Sa kanyang talumpati sa 145th founding anniversary ng lalawigan ng Tarlac, sinabi ng pangulo na hindi siya magdadalawang-isip na ipaaresto ang mga haharang sa rehabilitasyon ng Boracay.
Kinakailangan na umanong manghimasok ng national government dahil sa malalang problema sa pagkasira ng kapaligiran ng nasabing tourists’ destination.
Alam umano ni Duterte na maraming negosyo at hanap-buhay ang maaapektuhan pero kinakailangang gawin ang paglilinis sa isla.
Kailangan na umano ang intervention ng national government sa ngalan ng public interest, public health at peace and order.
Isa sa mga sinabing opsyon ng pangulo ay ang pagdedeklara ng state of calamity sa isla para magamit ang calamity fund na pang-ayuda sa mga maapektuhan sakaling matulong ang temporary closure nito.
Nauna nang sinabi ng pangulo na isang “cesspool” ang Boracay island dahil na rin sa kapabayaan ng mga local officials doon.