Arestado ang isang aktibong pulis ng Quezon City Police District at dalawang iba pa sa isinagawang buy-bust operation sa Marikina City Miyerkules ng madaling araw.
Ayon kay QCPD director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, naaresto si PO1 Adrian Patrick Pinalas, 29-anyos at nakatalaga sa QCPD District Mobile Force Battalion (DMFB), sa buy-bust na isinagawa sa Barangay Nangka.
Kasama ni Pinalas na nadakip ang dalawa pa na sina Christian Gayl Villanueva Pangilinan, 32-anyos at Jenalyn De Luna Jeriza, 25-anyos.
Nakuha mula sa tatlo ang limang plastic transparent sachet na naglalaman ng shabu at P1,000 na ginamit bilang buy-bust money.
Dinala sa Eastern Police District (EPD) crime laboratory ang pulis at ang dalawang kasama nito para isailalim sa drug test at iba pang laboratory examination.
Agad naman sinibak sa serbisyo ni National Capital Region Police (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde si Pinalas matapos ang pagkakaaresto.
Habang iniutos naman ni Eleazar ang pagsibak sa immediate officer ni Pinalas na si DMFB admin officer Senior Inspector Ramil Dugan.