6 na senador lang ang may boto sa transmission log na mula sa source ni Sotto
Anim na senador lang ang nakakuha ng boto mula sa transmission log na hawak ng source ni Senator Tito Sotto III.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, tumanggi si Sotto na tukuyin kung sino-sino ang anim na senador na mayroong boto dahil ang nasabing impormasyon ay binanggit lang ng kaniyang source.
Mas mainam ayon kay Sotto kung mailalabas sa senado ang nasabing log.
Maliban sa anim na senador na mayroong mga boto ang iba ay zero na ang nakuhang boto at kabilang sa mga binanggit ni Sotto na walang nakuhang boto ay siya at si Senator Panfilo Lacson at maging si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Sotto na ipasu-subpeona nila sa senado ang kopya ng transmission log ng partikular na Vote Counting Machines (VCMs) na tinukoy ng kaniyang source.
“Kaya hindi ko mailahad eh, according to him eh, according pa lang ng source ko, kaya iyon ang isusubpeona namin eh yung content ng transmission, kasi according to him ang content ng transmission si Duterte zero, si Lacson zero, national lang iyon eh at according to him ang laman lang anim na pangalan. Sa akin prudence dictates, hearsay iyon, wala siyang ipinaktia sa akin na ebidensya eh so I would rather not mention kung sino yung mga sinabi niya,” ani Sotto.
Tumanggi din si Sotto na pangalanan sa ngayon kung sino ang sinasabi niyang source na nagbigay sa kaniya n impormasyon hinggil sa anomalya sa 2016 elections.
Ayon kay Sotto sa ngayon kasi ay posibleng pinaghahanap na ang naturang source.
“Alam ko nag-uumpisa na ang witch hunt nila doon eh, hinahanap nila kung sino ang source ko, kung sino ang nagbigay nito sa akin. Mga two weeks ago lang kasi ito nakarating sa akin eh, nung nakarating sa akin ito talagang bagsak ang panga ko eh,” dagdag pa ni Sotto.
Dahil nagmula sa Estados Unidos ang sinasabing maaomalyang transmission, naniniwala si Sotto na ginamitan ito ng diversion ng mga nasa likod nito upang hindi agad ma-trace.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.