Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Sotto na kwestyunable ang ibinahagi sa kanya ng isang mapagkakatiwalaang source kaugnay ng mga transmission ng boto isang araw bago ang halalan.
Sinabi ni Sotto na bawal ang naturang operasyon dahil May 8 pa lamang o isang araw pa bago ang eleksyon noong May 9, 2016.
Nagtaka ang senador dahil mula May 8 hanggang kinabukasan ay minu-minuto o magkakasunod ang transmission na duda nito ay naka-program dahil tapos na ang testing noon pang April 2016.
Una nang sinabi ni Sotto sa kanyang privilege speech na nais niyang paimbestigahan ang Smartmatic at mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na posible anyang may kinalaman sa kanyang nadiskubre.
Ngayon anyang nairefer na Senate Committee on Eelectoral Reforms ang kanyang ibinunyag na kwestyunableng operasyon ay malalaman na kung may dayaan nga ba sa nakaraang halalan.
Samantala, kinuwestyon din ni Sotto kung bakit hanggang ngayon ay nakakakuha ng kontrata sa gobyerno ang Smartmatic kahit ilang beses ng nasangkot sa kontrobersiya ang kumpanya.
Nilinaw naman ni Sotto na kaya siya ang binigyan ng source ng mga dokumento at log ng transmission ng mga boto noong 2016 elections ay dahil wala naman siyang pwedeng pakinabang dito dahil hindi siya tatakbo sa susunod na halalan.