Cavite at ilang mga lungsod sa NCR wala pa ring supply ng tubig
Natapos na ang pagsasaayos ng nasirang pipeline ng Maynilad Water Services Inc. sa boundary ng Las Piñas at Parañaque City. Ngunit matatagalan pa bago ulit magkaroon ng supply ng tubig ang mga kabahayan sa ilang mga lungsod sa Metro Manila at lalawigan ng Cavite.
Alas-9:40 na ng gabi ng Lunes nang matapos ang pagsasaayos sa emergency leak sa Coastal Road. Ito ay matapos masira ang primary line dahil sa mataas na pressure ng tubig.
Dapat ay alas-8 ng gabi ay naibalik na ang supply ng tubig, ngunit ayon sa Maynilad, hindi pa maaaring padaluyin ang tubig mula sa valve sa Kabihasnan, Parañaque nang dumadaan sa primary line.
Sa hiwalay na abiso, sinabi ng Maynilad na maibabalik na ang supply ng tubig sa mga apektadong lugar sa pagitan ng alas-8 ng gabi ng Martes hanggang alas-2 ng madaling araw ng Miyerkules kung hindi na magkakaproblema pang muli sa site.
Samantala, sinabi ng Maynilad na ililipat nila ang nauna nang naka-schedule na temporary shut down ng PAGCOR pumping station. Dahil dito ay mawawalan ng tubig ang ilang bahagi ng Parañaque, Las Piñas, at Cavite mula alas-12 ng tanghali ngayong araw ng March 7 hanggang alas-6 ng umaga ng March 8.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.