Hiniling ni Senate Majority Leader Tito Sotto na maimbestigahan sa Senado ang posibleng anomalya sa isinagawang automated national elections noong 2016.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Sotto na may nakuha siyang mga dokumento na pinaghuhugutan niya ng kanyang mga pagdududa sa integridad ng ginanap na halalan.
Sa mga dokumento ay partikular na binanggit ng senador ang isinagawang dry run ng early transmission activity ng Smartmatic noong Mayo 8 at Mayo 9 taong 2016 o isang araw bago ang mismong araw ng halalan.
Ibinahagi din nito ang naging resulta sa botohan ng ilang kandidato sa pagka senador na imposibleng nakakuha ng zero vote sa ilang lugar.
Agad sumuporta ang ilang senador sa nais ni Sotto at tumayo pa si Sen. Miguel Zubiri sa pagsasabing posibleng nakaroon nga ng manipulasyon noong huling halalan.
Dahil dito hiniling din ni Sotto na dapat na ipatawag sa pagdinig ang Commission on Election at ang Smartmatic para makapagpaliwanag.
Nangangamba kasi si Sotto na nalalapit na ang 2019 Election kung saan ang smartmatic na naman ang gagamitin para sa automated election system.
Napag-kasunduan naman na i-refer ang pagdinig sa Committee on Electoral Reforms na pansamantalang pinamumunuan ni Senador Francis Kiko Pangilinan.