Gilas Pilipinas, talo sa China sa FIBA Asia 2015

By Mariel Cruz October 04, 2015 - 07:18 AM

gilas
Inquirer file photo

Bigong masungkit ng Gilas Pilipinas ang gold medal matapos talunin ng China sa iskor na 78-67 sa Final round ng FIBA Asia 2015 Olympic Qualifier sa Changsha Social Work College gym kagabi.

Ibinuhos ng koponan ng Pilipinas ang kanilang lakas at galing para sa kanilang huling laban sa naturang tournament upang mapataob ang mga malalaki at mababagsik na manlalaro ng China at makamit ang tiket na makapaglaro at maging kinatawan ng Asia sa 2016 Rio Olympics.

Ngunit kahit gaano pa kalaki ang isang puso, minsan ay napapabagsak pa rin ito.

Bagaman hindi nakamit ang pagkapanalo, inihayag ng Gilas Pilipinas coach na si Tab Baldwin na hindi man nila nakuha ang gold medal, panalo pa rin ang kanyang mga manlalaro bilang tao at marapat lamang na hangaan sila ng bawat Pilipino.

Ayon pa kay Baldwin, naging mahina lang ang opensa ng Pilipinas ngunit naging maganda at patas ang kanilang laban kontra sa China.

Makikita sa unang quarter ng laban na nakalamang ng limang puntos ang Pilipinas ngunit hindi nagpatalo ang China na hinabol ang Pilipinas at lumamang na sa pangalawa hanggang sa huling quarter.

Sa kalagitnaan ng third quarter, nagpaulan ng dalawang magkasunod na tres ang forward player na si Li Gen na nagresulta sa pagkakalamang ng China ng labing anim na puntos.

Ngunit sa pagpasok ng fourth quarter, bumaba pa sa sampung puntos ang lamang ng China sa Pilipinas sa iskor na 60-50.

Kahit pa hindi nakamit ang panalo, nakasama naman sa All Star 5 ang point guard ng Gilas Pilipinas na si Jayson Castro.

Dahil sa pagiging undefeated ng China na nakuha ang siyam na sunod-sunod na panalo kontra sa iba pang bansa, magiging kinatawan na ito ng Asia sa Rio de Janeiro Olympics sa Brazil sa susunod na taon.

Samantala, maaari pa rin makakuha ng tiket sa Olympics ang Pilipinas kung matatalo nito ang iba pang bansa sa isang qualifying tournament na magaganap ilang buwan bago ang pagsisimula ng naturang Olympics.

TAGS: fibaasia2015, gilaspilipinas, fibaasia2015, gilaspilipinas

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.