Pilipinas bibili ng maritime survey ships para gamitin sa Philippine Rise
Bibili ng maritime survey ships ang Pilipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa cabinet meeting Lunes ng gabi.
Paliwanag ni Roque, gagamitin ang maritime survey ships sa pagbabantay sa Beham Rose o Philippine Rise.
Ayon kay Roque, balak sanang gamitin ng pangulo ang pondo sa Malampaya pero dahil sa legal issues, hindi maaring gamitin ang pera ipambili ng maritime survey ships.
Nakasaad sa batas na maaring gamitin lamang ang Malampaya funds sa patungkol sa enerhiya.
Gayunman, sinabi ni Roque na nagpahayag naman si Finance Secretary Carlos Dominguez na may sapat na pondo ang pamahalaan para ipambili ng maritime survey ships.
Hindi naman tinukoy ni Roque kung magkanong halaga ang gagastusin ng pamahalaan sa pagbili ng barko.
Kasabay nito, muling iginiit ng pangulo na tanging right to innocent passage lamang ang maaring gawin sa Philippine Rise ng mga dayuhan habang ang exploration, scientific research at pagtatayo ng mga artificial islands ay reserba para lamang Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.