3 MMDA personnel na nanakit sa isang buko vendor sa EDSA, nag-negatibo sa drug test

Inquirer Photo | Jovic Yee

Nag-negatibo sa resulta ng drug test ang tatlong tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nanakit sa buko vendor na si Romnick Relos at nag-viral sa social media.

Ayon kay MMDA OIC General Manager Jojo Garcia, matapos ang insidente ay agad isinailalim sa drug test ang tatlo at negatibo ang resulta.

Maging si Relos ay negatibo din sa drug test.

Ani Garcia, may hawak na mga larawan ang MMDA na nagpapakitang hinuhuli at pinagsasabihan ng mga tauhan ng ahensya si Relos.

Bagaman ipinatutupad lang aniya ng kanilang mga tauhan ang batas at may mga tao talagang gaya ni Relos na ayaw magpahuli ay hindi naman ito dahilan para manakit ang mga ito.

Sinabi ni Garcia na nauunawaan naman nila ang lagay ng mga vendor pero hindi aniya pwedeng pumwesto sila kahit saan nila gustuhin.

Ang isang kariton aniya na haharang sa kalsada ay libu-libo na ang maaapektuhan.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa tatlong tauhan ng MMDA na ngayon ay pawang suspendido.

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...