Inatasan ng House Committees on good government and public accountability and on justice ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsumite ng kanilang report kaugnay sa land survey na ino-operate ng Tagum Agricultural Development Corporation (Tadeco).
Sinabi ni Surigao del Sur Rep Johnny Pimentel, chairman ng panel na sinabihan na nila si Ruth Tawantawan, director ng Region XI na makipag-coordinate kay Engr. Ruben Tacugue, dating municipal engineer ng Panabo para sa land survey sa Davao Penal Colony (DAPECOL) at mga lupang nakapaligid dito para malaman ang sakop ng banana plantation at hindi na ito mapasok ng mga residente sa nasabing lugar.
Binigyan ni Pimentel ang DENR ng hanggang Marso 16, 2018 para mag-report ng resulta ng kanilang survey at ipakita ang lahat ng dokumento na kanilang nakuha.
Pinasamahan din ng komite ang mga taga-DENR na magsasagawa ng survey ng mga operatiba mula sa Philippine National Police (PNP).
Pinaalalahanan din naman ng kongresista si Engr. Noel Basanes, officer in charge ng Davao del Norte District Engineering Office ng Department of Public Works and Highwways na sumunod sa kanilang direktiba na magsumite ng inventory para sa mga pampublikong kalsada at infrastracture projects at mag report din sa kanila hanggang Marso 16.
Welcome development para kay Tacugue ang pagsasagawa ng land survey para makapasok sila sa nasabing lugar dahil hindi sila pinapayagan ng mga security guard na pumaosk doon.