Sa Kenya: Doktor sumablay, pasyenteng inoperahan sa utak mali pala
Nababalot ngayon sa kontrobersiya ang isang neurosurgeon at maging ang pinakamalaking ospital sa Kenya matapos isalang sa brain surgery ang isang pasyente na hindi naman nangangailangan ng naturang operasyon.
Sa inilabas na statement ng Kenyatta National Hospital, inamin nito ang nangyaring insidente at sinabing sinuspinde na ang naturang doktor, kabilang ang dalawang nurse at anaesthetist upang maimbestigahan sa sablay na brain surgery sa maling pasyente.
Sa imbestigasyon, lumalabas na dalawang pasyente ang dinala sa naturang ospital kung saan ang isa ay dahil sa namamaga nitong ulo.
Samantala, ang isa naman ay nangangailangan ng brain operation upang tanggalin ang namuong dugo sa utak nito.
Gayunman, habang isinasagawa na ang operasyon, nagtaka ang mga doktor nang madiskubreng walang blood clot sa utak ang pasyenteng kanilang inooperahan.
Dito na lamang nila napagtanto na mali pala ang pasyenteng kanilang isinalang sa brain surgery.
Dahil dito, agad na sinuspinde ang neurosurgeon at mga staff na kabilang sa sablay na procedure.
Sa kasalukuyan, maayos na ang kalagayan ng pasyenteng naoperahan at nagpapagaling na ngayon sa ospital.
Samantala, nagpoprotesta naman ang nasa mahigit 500 mga doktor bilang suporta sa neurosurgeon na nagsagawa ng maling surgery sa pasyente.
Iginigiit ng mga ito na ang staff ang nagkamali dahil ang mga ito ang gumawa ng mga dokumentasyon at preparasyon sa naturang operasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.