Wala daw basehan na batas ang quo warranto petition na inihain laban kay on leave Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Giit ng kampo ni Sereno, mapapatalsik lang siya sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment ng Kamara at conviction ng Senado base sa 1987 Constitution.
Dagdag pa nila, tapos na rin ang one-year prescriptive period para sa pagsasampa ng nabanggit na petisyon.
Sa naging desisyon din ng mismong Korte Suprema sa Jarque versus Ombudsman, maging sa Raul Gonzales at Cuenco versus Fernan, sinabi na ang isang impeachable officer, na miyembro ng Bar, ay hindi rin maaring ma-disbar nang hindi muna nai-impeach.
Iginigiit din ng kampo ni Sereno na ang naging hakbang ni Solicitor General Jose Calida ay bahagi ng plano para siraan at hiyain ang punong mahistrado para mapilitan na siyang magbitiw sa puwesto.
Anila, handa si Sereno na sumalang sa impeachment trial para patunayang mali ang mga alegasyon laban sa kanya.