Kinumpirma ni Health Sec. Janet Garin ang pagkamatay sa bansa ng isang Saudi National dahil sa sakit na Middle East Respiratory Sydrome-Corona Virus (MERS-CoV).
Sinabi ni Garin na namatay sa isang pagamutan ang 63-year old na biktima na hindi na pinangalanan pa.
Sa record ng DOH, dumating ang nasabing dayuhan sa bansa noong September 17 at makalipas ang ilang araw ay nagkaroon ito ng lagnat hanggang sa kinakitaan ng sintomas ng MERS.
September 26 nang maging malubha ang sitwasyon ng nasabing biktima na dumanas ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng katawan at grabeng ginaw.
Iniulat sa DOH nang pinagdalhang ospital na namatay ang biktima noong September 29 kung kaya’t kaagad na isinailalim sa pagsusuri ang bangakay ng biktima at napatunayan na namatay nga ito dahil sa MERS.
Ipinaliawanag naman ni DOH spokesman Lyndon Lee Suy na kaagad silang nagsagawa ng contact tracing sa may 93 indibiduwal na nakasama ng nasabing biktima mula nang siya’y dumating sa bansa hanggang sa oras ng kanyang kamatayan.
Sa nasabing bilang ay 81 na ang kanilang nakausap kabilang dito ang limampu’t limang mga Hospital staff, Labing-limang (15) Hotel staff at tatlong health workers.
Kasama rin sa kanilang hinanap upang kunan ng body swabs ang tatlong tauhan ng funeraria na pinagdalahan ng mga labi ng biktima.
Ang MERS ay nakamamatay na sakit na may sintomas na kahalintulad ng lagnat pero ang biktima nito ay dumaranas ng mataas na body temperature at diarrhea.