Palasyo: €3.8M na ayuda, malaking tulong sa rehabilitasyon sa mga drug personalities

Inquirer file photo

Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang European Union (EU) sa pagbibgay ng 3.8 million euros na ayuda para sa rehabilitasyon ng mga drug personalities sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malaking tulong ito para matulungan ang mga taong lulong sa ilegal na droga na makabalik sa lipunan na may normal na pamumuhay.

Kaya aniya tinanggap ng pangulo ang ayuda ng EU dahil wala namang iniltag na kondisyon.

Bukod dito, sinabi ni Roque na patunay lamang ito na inaayunan ng EU ang domestic approach ng pangulo na ang anti-drug war campaign ay isang public health issue.

Ibibigay aniya ang ayuda ng EU sa Department of Health para magamit sa mga programang may kinalaman sa kalusugan.

Nilinaw din ni Roque na patuloy ang paninindigan ng pangulo hindi tatanggap ng anumang ayuda mula sa mga dayuhan kapag may kaakibat na kondisyon.

Hindi kasi aniya hahayaan ng pangulo na makompromiso at pakialaman ng mga dayuhan ang mga panloob na usapin sa Pilipinas.

Matatandaang makailang beses nang minura ng panguo ang EU dahil sa pakikialam nito sa drug war campaign ng administrasyon.

May nauna na ring ayudang inialok ang EU pero tinanggihan ng Pilipinas dahil sa mga inilatag na kondisyon.

Read more...