Tuluyan nang ibinasura sa Kamara ang panukalang kaltas sa binabayarang buwis ng mga manggagawa makaraang kausapin ni Pangulong Noynoy Aquino ang mga pangunahing may-akda ng nasabing panukala.
Sinabi ni House Majority Leader Neptali Gonzales III na kapos na sa panahon ang Senado at Kamara para talakayin at pagdebatehan ang panukalang reduction para sa individual income at corporate tax rate.
Ayon kay Gonzales, hindi na nila pag-uusapan ang naturang panukala dahil tiyak din naman na ibe-veto ito ng Pangulo kahit na pumasa ito sa Senado at Kamara.
Ipinaliwanag din ni Gonzales na kakapusin na sila sa panahon dahil sa beyernes ay nakatakda na nilang pagtibayin sa Lower House ang P3.002Trillion na proposed National Budget para sa 2016.
Sa susunod na Sabado rin ang simula ng kanilang ilang araw na recess at sa pagbabalik ng desisyon ay tututok na sila sa paghimay ng pinagtibay na budget.
Nauna dito ay personal na kinausap ni Pangulong Aquino sina House Wayes and Meas Committee Chair Miro Quimbo at Sen. Juan Edgardo Angara para ipaliwanag sa kanila ang posisyon ng administrasyon sa panukalang kaltas sa buwis.
Ipinaliwanag ng Pangulo na malaki ang magiging epekto sa government expenditures at ekonomiya sakaling mabawasan ang nasisingil na buwis ng pamahalaan.
Sina Quimbo at Angara ang mga pangunahing may-akda ng panukalang kaltas sa buwis.
Laman ng kanilang panukala ang tax exemptions para sa mga empleyadong kumikita ng annual income na P180,000 pababa samantalang 9-percent na tax lamang para sa mga kumikita ng P181,000 hanggang P500,000.
Sinabi naman ni dating Budget Sec. Benjamin Diokno na ayos lang na itaas ang VAT basta’t ibababa ang buwis para sa mga manggagawa para lalong madagdagan ang kanilang disposable income na gagamitin rin naman sa pagbili ng mga produkto at pambayad sa mga serbisyo.