Kalusugan ng River Warriors, River Patrols prayoridad din ng PRRC

Upang mapangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng kanilang mga empleyado, kumuha ng isang Occupational Health Physician ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC).

Ayon kay PRRC Executive Director Jose Antonio E. Goitia, mahalaga ang pagkakaroon ng Occupational Health Physician na siyang titingin sa kalusugan ng mga empleyado lalong-lalo na ang mga sangkot sa paglilinis ng mga estero at Pasig River.

Batay sa datos ng PRRC, umaabot sa 150 ang kanilang mga River Warrior at River Patrol na responsable sa pagtatanggal ng mga basura sa mga estero at ilog.

Kaugnay nito, sasabak na si Dr. Rolah Dipatuan, ang bagong talagang Occupational Health Physician ng PRRC sa kaniyang trabaho sa Lunes.

Ayon kay Dipatuan, pangunahing isasagawa ng kaniyang tanggapan ang pag-checkup sa mga River Warrior at River Patrol members upang malaman ang kalagayan ng kanilang kalusugan.

Ipinaliwanag ni Dipatuan na malaki ang posibilidad na makapitan ng impeksiyon o magkaroon ng sakit ang mga River Warrior at River Patrol members dahil exposed sila sa mga basura.

Kung kaya’t mahalaga aniya ang ginagampanan ng Occupational Health para mapangalagaan ang kalusugan ng mga manggagawa.

Samantala, una nang nagsagawa ng clearing at clean-up activity sa Estero dela Reina na sinasaklawan ng 11 barangay mula sa Tayuman Bridge hanggang Recto Avenue Bridge.

Ito ay pinangunahan ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) at nilahukan din ng lokal na pamahalaan ng Maynila at iba pang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.

Ang clean-up drive ay sa pagtutulungan din ng PRRC, Department of Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Manila Police District (MPD), at Manila City Department of Public Services (DPS).

Gayundin ng Manila City Engineering Office (MCEO), Manila Health Department (MHD), Manila Barangay Bureau (MBB), Manila Department of Social Welfare (MDSW), at ng 11 barangay sa kahabaan ng Estero dela Reina.

Read more...