CHED, pinagpapaliwanag ang ABS-CBN tungkol sa teleseryeng ‘Bagani’

Nagpadala ng pormal na liham ang Commission on Higher Education (CHED) sa ABS-CBN upang pagpaliwanagin ang network tungkol sa bagong teleserye nitong ‘Bagani’.

Sa liham na isinulat ni CHED Commissioner Ronald L. Adamat noong March 2, nais nitong pagpaliwanagin ang istasyon kung bakit at ano ang naging basehan para gamitin ang terminolohiyang ‘Bagani’ na isang salita na mula sa Indigenous Peoples.

Ayon kay Adamat, maaaring nakaligtaan ng mga writers at producers ng bagong teleserye ang tunay na kahulugan ng salitang ito.

Dagdag pa ng opisyal, hindi rin isinaalang-alang ng mga taong nasa likod ng produksyon ang ‘cultural sensitivity’ ng mga IP.

Iginiit ni Adamat na hindi dapat gumawa ang mga manunulat at producer ng mga teleseryeng na may kakaibang mga konsepto, titulo at karakter na maaaring makasira at mag-alis sa kahulugan ng isang terminolohiya ng mga indigenous people tulad ng ‘Bagani’.

Ikinababahala ni Adamat ang maaaring maging negatibong epekto sa mga estudyante ng pagganap sa ‘Bagani’ na malayong-malayo sa kahulugan nito sa konteksto ng Indigenous Peoples.

Hindi anya niya kukunsintihin bilang opisyal ng CHED ang pagpapalabas ng naturang teleserye maliban kung irerebisa ng ABS-CBN ang ‘format’ at konsepto ng palabas sa paraang magiging angkop ito sa perspektibo ng mga IP.

Read more...