6 na rebelde arestado matapos ang engkwentro sa Negros Oriental
Kabilang ang isang babae at dalawang menor de edad sa anim na arestadong mga komunistang rebelde matapos makaengkwentro ang mga pwersa ng pamahalaan sa Mabinay, Negros Oriental.
Ayon kay 62nd Infantry Battalion commanding officer Lieutenant Colonel Darrel Banes, nagtungo ang mga militar sa Sitio Tumonon, Barangay Luyang upang beripikahin ang mga ulat tungkol sa 20 mga miyembro ng New People’s Army na sangkot sa extortion.
Pagdating pa lamang sa lugar ay agad na pinaputukan ng mga rebelde ang kampo ng pamahalaan, dahilan upang gumanti rin sila ng putok.
Matapos ang engkwentro ay doon na nadakip ang anim na mga NPA. Narekober din mula sa mga ito ang apat na M16 na may kasamang M203 grenade launcher, dalawang M4 assault rifle, mga supply, at iba’t ibang mga gamit pandigma, kabilang ang ilang mga pampasabog.
Ani Banes, isang malinaw na paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang pag-recruit ng mga menor de edad sa NPA.
Samantala, ayon naman sa tagapagsalita ng 3rd Infantry Division na si Captain Eduardo Precioso, nadiskubre nilang abandunado na ang dalawang kampo sa Barangay Samac sa Mabinay at Barangay Panciao sa bayan naman ng Manjuyod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.