Bumalik na sa kanilang mga tahanan ang ilan sa mga residente sa loob ng eight-kilometer danger zone ng Bulkang Mayon.
Ito ang ibinunyag ni Albay Public Safety and Emergency Management Office Chief Cedric Daep at sinabing kibit-balikat sila sa pagbalik ng mga residente basta’t nasa labas ng six-kilometer permanent danger zone.
Anya, kahit pa sabihan nila ang mga residente na huwag munang bumalik dahil nasa ilalim pa ng Alert Level 4 ang bulkan ay hindi nila ito papansinin sapagkat alam ng mga ito na humuhupa na ang abnormal na aktibidad ng bulkan.
Nasa desisyon anya ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at panlalawigang pamahalaan ng Albay kung pababalikin na ang mga residente.
Ayon kay Daep, ang aktibidad ng Mayon ngayon ay nasa kategorya na lamang ng ‘strombolian’ o nagpapakita ng lava flow at lava fountaining mula sa pagiging ‘vulcanian’ na may pagbuga ng ash columns.
Nasabi na anya ang naturang isyu kay Phivolcs Director Renato Solidum.
Sa kasalukuyan ay aabot pa sa 17,000 pamilya o 66,000 na katao ang nananatili sa mga evacuation centers.