May-ari ng recruitment agency na nag-recruit kay Joanna Demafelis sa Kuwait, lumutang sa NBI
Lumutang ang dating may-ari at ang kasalukuyang may-ari ng Our Lady of Mt. Carmel Recruitment Agency sa NBI para linawin ang kanilang pagkakasangkot sa pagpapadala kay Joanna Demafelis sa Kuwait.
Sinabi ni Atty. Jude Marfil, abogado ng ahensiya, tinanggalan sila ng lisensya ng POEA noong 2016 kaya’t wala na silang paraan para mamonitor ang mga naipadala nilang OFWs sa ibang bansa, kasama na si Demafelis.
Sinabi pa nito na sa kanyang pagkakaalam kapag binawian ng lisensya ang isang ahensiya, dapat ang OWWA o ang POEA ang sasalo ng responsibilidad sa mga naipadalang OFWs.
Ngunit sinabi ni Marfil na handa silang makipagtulungan sa NBI sa pag-iimbestiga sa naging kaso ni Demafelis.
Sinabi din nito na legal ang pagpunta sa Kuwait ni Demafelis ngunit wala na silang alam kung paano ito nalipat sa ibang amo.
Samantala, nagpakita din sa NBI si Engr. Adrian Briones ang dating may-ari ng agency at aniya taon 2012 pa ng maibenta niya ang kanyang negosyo sa pamilyang Abrantes.
Sinabi naman ni NBI NCR Dir. Cesar Bacani pag aaralan muna nila ang mga pahayag ng dalawang kampo para alamin kung kakasuhan ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.