Sen. Poe, handang magbitiw sa pwesto sakaling matalo sa kaso

grace-poe2Mabilis pa sa alas kwatro na babakantehin ni Sen. Grace Poe ang kaniyang posisyon sakaling matalo siya sa kinakaharap na disqualification case dahil sa kaniyang citizenship issue.

Ito ang isinagot ng senadora sa tanong sa kaniya kahapon kung ano ang gagawin niya oras na hindi pumabor sa kaniya ang desisyon sa disqualification case niya sa Senate Electoral Tribunal (SET) na isinampa ni Rizalito David.

Ayon kay Poe, dapat igalang ang batas at kung talagang mapatunayan na hindi siya karapat-dapat sa posisyon ay mabilis niya itong babakantehin.

Aniya, hindi lang niya ipinaglalaban ang sariling karapatan kundi para rin sa marami pang mga bata sa bansa na hindi rin kilala ang kanilang mga tunay na magulang.

Oras aniya din na matalo siya sa laban na ito, malaki ang posibilidad na pagdudahan rin ng mga batang tulad niya na inampon lamang, ang kanilang pagkamamamayan.

Dagdag pa ni Poe, hindi niya ikinababahala ang nasabing kaso dahil hindi naman niya intensyong kumapit pa sa posisyon lalo na kung mapagdesisyunan na ngang kailangan na niya itong bitiwan.

Sapat na rin aniya ang pribilehiyong naipagkaloob sa kaniya ng mga bumoto sa kaniya noong senatorial race 2013 na nag-akyat sa kaniya sa posisyon, pero hiling din niya na sana’y hindi rin maisa-walang bahala ang mahigit 20 milyong Pilipino na nagtiwala sa kaniya.

Read more...